Higit 50 bahay, nasunog sa Davao

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2018 05:50 AM

DAVAO CITY - Nasunog ang mahigit 50 bahay sa magkahiwalay na insidente sa Davao City nitong Huwebes.

Unang sumiklab ang sunog sa Barangay Leon Garcia Agdao kung saan natupok ang 20 kabahayan.

Nasa 96 na pamilya ang apektado sa sunog. Ilan sa kanila, wala nang naisalbang gamit dahil mabilis kumalat ang apoy.

Samantala, nasunog naman ang mahigit 30 bahay sa Barangay 76-A.

Pansamantalang maninirahan sa school gym ang mga apektadong pamilya.

Wala namang naitalang nasugatan sa mga insidente.

Patuloy pang inaalam ng mga bombero ang sanhi at halaga ng pinsala ng mga sunog. - ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.