Greyhound operation, ikinasa sa Talisay City Jail

Leleth Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2018 11:12 AM

Nasamsam mula sa mga dormitory ng mga lalaki at babaeng inmates ng Talisay City Jail ang cellphones, tabletas, kutsilyo at salapi sa isinagawang greyhound operation ng awtoridad. Larawan mula kay Jojo Satuita

TALISAY CITY, Cebu – Nagsagawa ng Greyhound Operation sa loob ng dormitories ng mga babae at lalaking inmate sa Talisay City Jail, Biyernes ng madaling araw.

Pinangunahan ng Police Regional Office 7 ang operasyon kung saan nasamsam ang mga tabletas na walang pangalan, kutsilyo at salapi na aabot sa higit sa P100,000.

Wala namang nakuhang ilegal na droga ang awtoridad.
 
Mismong ang bagong jail warden na si Jail Inspector Crisyler Awe ang dumulog sa PRO 7 para magsagawa ng operation. Ayon kay Awe, gusto niyang malinis ang kulungan sa mga kontrabando.

Dagdag naman ni PRO 7 Director, Chief Superintendent Debold Sinas, ang mga nakuhang tabletas ay isasailalim sa pagsusuri nang malaman kung para saan ang mga ito.

Ani Sinas, kahit walang nakuhang ilegal na droga, mabuting nakumpiska rin ang cellphones na posibleng ginagamit ng inmates sa kanilang mga transaksyon sa labas ng kulungan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.