Basura mula sa rehab center, natagpuan sa bakanteng lote sa Baguio

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2018 03:07 AM

Larawan mula sa Barangay Sto. Tomas Proper

BAGUIO CITY - Nagmistulang dump site ang isang bakanteng lote sa Balacbac, Barangay Sto. Tomas Proper sa Baguio City matapos kumalat ang mga basura na naanod mula sa isang rehabilitation center noong kasagsagan ng bagyong Ompong.

Nakahalo sa lupa ang samu't saring basura na karamihan ay plastik, styrofoam, at bote. May mga nakahalo ring medical waste, tulad ng swero, syringe, inhaler, at mga lalagyan ng gamot.

Umabot ito sa mga kalapit na bahay ng lote. Kasama sa natambakan nito ay ang fish pond ng residenteng si Jenalina Timango.

"Makalat, parang nahiya kami, parang sa amin na 'yung basura,” aniya.

Nababahala naman ang barangay sa posibleng kontaminasyon mula sa basura.

“Talagang apektado kami kasi kwan ito basura, 'yung kalusugan ng mga tao rito, lalo na ngayon daming lamok na nagliliparan,” ani Kagawad Agustin Pangulayan ng Barangay Sto. Tomas Proper.

Ayon sa World Health Organization (WHO), delikado ang mga napabayaang medical waste dahil maaaring kumalat ang bacteria at makakuha ng impeksiyon mula sa mga ito. Maaari rin itong makakontamina sa tubig at lupang pinagtapunan.

Nilinis na ng barangay ang kalahati ng mga kumalat na basura. Pinadalhan na rin nila ng sulat ang may-ari ng rehabilitation center para hakutin ang mga hospital waste.

Pinabulaanan naman ng rehabilitation center na sila ang nagtapon ng basura sa bangin.

“Hindi kami nagtatapon na ng basura sa bangin na ‘yun. Matagal na matagal na matagal na matagal na panahon na. Noong una, may order from DOH na hindi na puwedeng magtapon ng hazardous waste, so sumunod naman kami roon," ani Gemma Vilela.

Dagdag niya, "Ngayon ang nangyari r'yan, noong nagkaroon ng bagyong Ompong mukhang na-wash out nung water 'yung bangin na ‘yun na dating basura na noon-noon pa. Hindi ko naman ma-deny, kasi wala namang ibang gagamit ng dextrose, kami lang naman."

Ani Vilela, nangako siyang lilinisin nila ang lugar. Hindi lang nila magawang mahakot agad ang basura dahil hindi sakop ang hospital waste sa mga puwedeng damputin ng lokal na hauler.

Ayon sa Environmental Management Bureau (EMB), hindi responsibilidad ng barangay ang pagtatapon ng hospital waste.

“Pagdating sa health care waste, hindi po 'yan kasama roon sa kokolektahin ng lokal kasi mayroon pong ibang paraan sa pagtatapon po niyan at ang may responsibilidad po n'yan ay 'yun pong establishment na nag-generate po ng health care waste,” ani Regional Director Reynaldo Digamo.

May proseso rin na dapat pagdaanan sa paghahakot ng mga ito. Ang hindi tamang pagtatapon ng mga hospital waste ay paglabag din sa Republic Act 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990 kung saan ang mapatutunayang lalabag ay maaaring pagmultahin ng hindi bababa sa kalahating milyong piso.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga kaugnay na ahensiya patungkol sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.