BALIKAN: 'Pagpuslit' sa 6 magnetic lifters na umano'y may P11-B halaga ng 'shabu'

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2018 08:43 PM | Updated as of Oct 26 2018 09:15 PM

Watch more in iWantTFC


Kasalukuyang mainit na usapin ang umano'y pagpupuslit sa bansa ng bilyon-bilyong halaga ng ilegal na droga sa pamamagitan ng mga magnetic lifter na "nakalusot" sa Bureau of Customs (BOC).

Sa imbestigasyon ng Senado at ilang pangunahing intelligence agencies ng gobyerno, lumalabas na dalawang magkahiwalay na shipment ng magnetic lifters ang dumating sa Manila International Container Port (MICP) noong Hulyo. 
     
Ang unang batch ay ang dalawang magnetic lifters sa pamamagitan ng Vecaba Trading noong Hulyo 4 na mula sa Malaysia at idinaan sa Hongkong. 
    
Ang pangalawa naman ay apat na magnetic lifters mula sa Vietnam at dumating sa bansa nung Hulyo 10 sa pamamagitan ng SMYD Trading.

Makaraan ang tatlong araw, naipuslit palabas ng Customs ang pangalawang batch na sinasabing naglalaman ng may 1.6 tonelada ng shabu at dinala sa isang bodega sa General Mariano Alvarez (GMA) sa Cavite.

Hindi umano nakita sa x-ray machines ng BOC ang mga laman nito kaya pinayagang makalabas sa kanilang kustodiya.

Mula Hulyo 11 hanggang 18 ay minanmanan na umano ng "grupo" ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Deputy Director for General Administration Ismael Fajardo ang bodega sa GMA Cavite na pinagdalhan ng mga magnetic lifter. 
    
Ito rin daw ang mga panahon na may naispatang mga Tsino na may dalang mga trolley bag at malayang nakalabas-masok sa bodega kung saan naroon ang mga magnetic lifter.

Pero bago pa dumating ang mga shipment ay madalas na umano ang pagpupulong nina Fajardo, BOC intelligence agent Jimmy Guban, at dating pulis na si Senior Supt. Eduardo Acierto.

'ISINAKRIPISYO'

Si Guban ang siya rin umanong nagbigay ng impormasyon sa Customs na may laman palang shabu ang unang shipment ng magnetic lifters na nakatengga sa MICP.
     
Siya rin daw ang nagturo kung paano buksan ang mga ito, na kalaunan ay nakitaan na may 355 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng may P3 bilyon.

Paniwala ni PDEA chief Aaron Aquino, sadyang "isinakripisyo" at "ipinain" ng grupo ni Guban ang unang shipment ng shabu para palabasing may malaking huli sila at hindi mapansin ang pagpuslit ng ikalawang batch ng magnetic lifters na sinasabing may 1.6 toneladang shabu na nagkakahalaga ng P11 bilyon at dinala sa Cavite.
    
Mailulusot na sana ang magnetic lifters sa GMA, Cavite kung hindi napanood sa balita ng isang tauhan ng bodega doon ang pagkakapareho ng mga dinalang kargamento doon at ng magnetic lifters sa MICP.
    
Nagsumbong agad ito sa may-ari ng bodega na ipinaalam naman sa barangay ang report, hanggang sa nakarating sa pamunuan ng PDEA.
    
Sa kabuuan, nasa anim na magnetic lifters ang naipasok sa bansa na umano'y may shabu na nagkakahalaga ng halos P15 bilyon.
    
 ILANG TAGA-BOC 'MALUNGKOT' SA PAGBABAGO NG LIDERATO

Watch more in iWantTFC

Sa gitna ng pagkakasangkot sa kontrobersiya ng nakalusot na bilyon-bilyong halaga ng droga, itinalaga muna ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang hepe ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) si dating Customs Commissioner Isidro Lapeña.

Ipinalit kay Lapeña si Maritime Industry Authority (Marina) administrator Rey Leonardo Guerrero, na dati ring Chief of Staff ng militar. 

Inanunsiyo ni Duterte ang "pagkaka-promote" kay Lapeña isang araw matapos niyang bumaliktad at sabihing naniniwala na siyang may laman ang mga magnetic lifters taliwas sa nauna niyang pagtanggi. 

Pinalitan ni Lapeña sa TESDA si Guiling Mamondiong na nag-resign dahil tatakbo bilang governor ng Lanao del Sur.

"Floating status" naman ang lahat ng empleyado ng Customs alinsunod sa utos ni Duterte.

Tila nabunutan naman ng tinik sa dibdib ang ilan ngayong palit-administrasyon na ang BOC.

"In the history of Customs, this is the hardest time we had...Pagkagising mo hindi mo alam kung ikaw ay nasa Zamboanga na o naipatapon sa Aparri... Sana po, hinihingi namin sa bagong Commissioner... we will now base [our procedures] from the Civil Service Rules and Regulations," ani Remedios Princesa, presidente ng Bureau of Customs Employees Association (BOCEA).

Naniniwala ang BOCEA na posibleng naiwasan sana ang pagkakalusot ng magnetic lifters kung ipinapatupad pa ang "sectioning" kung saan nakagrupo nang maayos ang mga dumarating na kargamento. Pinaalis daw kasi ito ni Lapeña noon para iwas-korapsyon.

"[Ang] intention niya is okay pero 'yung kaniyang system of doing that is nakakasama... There has to be an expertise on all the items coming from abroad," ani Princesa.

Pero para sa ilan, malaking kawalan umano sa ahensiya si Lapeña.

"Nabigla kami kasi ang bilis ng pangyayari. Kakaiba 'yung lungkot na naramdaman namin...Kumbaga back to zero na naman ang BOC sa pag-gain ng trust ng publiko," ani alyas "Jed."

Tumanggi naman munang magpa-interview ang tagapagsalita ng BOC na si Dino Austria at nakiusap na patapusin muna ang pormal na turnover.

MILITARISASYON?

Watch more in iWantTFC


Sa pagpalit ni Guerrero kay Lapeña, tila marami naman ang nababahala sa pagkakatalaga muli ng isang dating militar sa posisyong pansibilyan. 

Tingin ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, nais lang ng Pangulo na "isalba" si Lapeña at matigil na ang imbestigasyon imbes na sugpuin ang katiwalian.

"Duterte's recycling of Customs chief Lapeña to TESDA is meant to put an end to further investigation into the smuggling of P11 billion worth of shabu and insulate the latter from possible charges. Once again, the President is engaging in theatrics rather than in actually rooting out corruption and stemming the flow of illegal drugs from abroad," ani Tinio. 

Dagdag ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano, ang madalas na rigodon ang isa sa dahilan kaya lalong nagiging talamak ang katiwalian sa gobyerno.

"This encourages and perpetuates impunity and corruption in government. Moreover, constant changing of leadership does not help in setting a clear direction for policy implementation," aniya.

Para kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, mapanganib ito dahil ang mga sundalo ay sinanay na sumunod lang sa utos ng nakatataas sa kanila.

"This militarization of the bureaucracy is dangerous to civil servants and the general populace because they are trained to just follow orders, without question. This style of pampering the military is also prone to incompetence and waste of the people's money because they are not suited for the jobs they are rewarded with," ani Zarate.

Tingin naman ni UP political science assistant professor Ranjit Rye, nakikita ng Pangulo na kailangan ang mga dating sundalo sa mga "pasaway" na ahensiya ng gobyerno pero naiintindihan niya rin ang pinaghuhugutan ng mga kritiko. 

"Ang problema naman diyan, while the military man can be a competent manager and many of the people he hired are competent managers, lumalakas ang impluwensiya ng military sa civil service," ani Rye.

Depensa naman ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, alam ng Pangulo ang ginagawa niya.

"Ako ay naging presidente. Kaya alam ko na 'yang mga presidente, mayroon siyang mga talagang kailangang gawin na hindi naman lahat ng detalye alam natin. I do not want to be part of the peanut gallery na commentary nang commentary sa lahat ng kaniyang ginagawa," opinyon ni Arroyo. 

Nauna nang pinuna si Duterte noon sa madalas niyang pagpupuwesto sa mga dating sundalo sa mga pansibilyang posisyon, ang huli ay ang nagretirong hepe ng Philippine Army na si Rolando Bautista na itinalaga bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development.

—Ulat nina Henry Omaga-Diaz, Angel Movido, Jorge Cariño, at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.