4 patay, 1 sugatan sa pag-araro ng pick-up truck sa tindahan sa Occidental Mindoro

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2018 05:30 PM

Patay ang apat katao matapos araruhin ng isang pick-up truck ang isang tindahan ng barbeque sa gilid ng national highway sa Barangay Magbay, San Jose, Occidental Mindoro nitong Miyerkoles.

Idineklarang dead on arrival ang mga biktimang sina Jenalyn Samudio, 23, Teymark Mingso, 20, Rolan Fernandez, 24, at isang 7 taon gulang na batang babae.

Sugatan naman si Jennavie Samudio, 21. 

Tumakas ang driver na si Bernie Eranesta matapos ang insidente pero sumuko rin kinabukasan sa San Jose Police. 

Ayon kay Supt. Julian Olonan, hepe ng San Jose Police, inamin ng driver na nakainom siya at mabilis ang takbo ng sasakyan na 80-100 kilometers per hour.

Nakakulong na ang driver na nahaharap sa reckless imprudence resulting in multiple homicide and physical injury.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.