SAPUL SA CCTV: Magkahiwalay na pamamaril sa 'impormante' ng pulis

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 10:43 PM

Nakuhanan ng CCTV ang mga insidente ng pamamaril at pagpatay sa ilang "impormante" ng pulis sa Maynila. 

Nitong Martes, Oktubre 24, nakuhanan ng CCTV ng Barangay 155 ang mga lalaking naglalakad sa isang eskinita bago pumasok sa isang bahay.

Ilang sandali pa ay may narinig nang mga putok ng baril.

Biglang nagtakbuhan ang mga tao sa takot at mabilis ding tumakbo ang mga lalaking unang nakuhanang pumasok sa bahay.

Matapos ang 15 minuto, nakuhanan naman ng CCTV ng Barangay 61 sa Tondo ang isa sa mga lalaki habang tumatawid kasunod ng isang babae.

Maya-maya ay binaril niya ang nakatambay na si Rolando Austria.

Base sa imbestigasyon, impormante ng mga pulis si Austria.

Sa follow-up investigation ng pulis, nakilala ang hitman na si Romeo "Omeng" Oliveros na miyembro umano ng "Balong drug group."

Patuloy naman ang pagtugis ng Abad Santos police sa iba pang lalaking nakuhanan sa CCTV.

Sa kuha naman ng CCTV noong Agosto 24 sa Barangay 155 sa Abad Santos, Maynila, makikita ang pagdating ng dalawang lalaking sakay ng motor.

Lumapit sila sa isang babae saka pinagbabaril nang malapitan hanggang sa bumagsak.

Niyakap ng asawa ang biktima para itakbo sa ospital habang kitang mabilis na nakatakbo ang dalawang suspek.

Batay sa imbestigasyon, kilalang gumagamit ng droga ang biktima pero impormante rin siya ng mga pulis.

Inaalam na kung konektado ang pamamaril sa babae sa insidente ng pamamaril sa Tondo.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.