Paano maitatama ang mali sa birth certificate?

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 07:04 PM | Updated as of Oct 26 2017 08:54 PM

Mahalaga ang birth certificate dahil ito ay isang dokumentong maaaring maging paraan ng pagkakaroon ng legal na pagkakakilanlan.

Bukod pa rito, kinakailangan ang birth certificate sa pagkuha ng iba pang mga dokumento gaya ng passport.

Sa programang "Usapang De Campanilla" ng DZMM, ipinaliwanag ni Editha Orcilla, assistant national statistician ng Civil Registration Service ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang proseso para maitama ang ilang pagkakamali sa isang birth certificate.

Karaniwan sa mga umano'y ipinapaayos ang pagkakabaybay sa pangalan, petsa ng kapanganakan, o kasarian ng may-ari ng certificate.

Dapat umanong i-file ang petisyon ng pagpapabago sa civil registration office kung saan nakarehistro ang birth certificate ng indibidwal.

Nasa halagang P1,000 ang petition for correction of entry. 

Kapag "migrant petition" naman o iyong petisyong hinain sa civil registration office na hindi pinagparehistruhan ng birth certificate, aabot ang presyo sa P1,500.

Kabilang sa mga dapat dalhin ang kopya ng birth record na itatama, dalawang dokumentong magpapatunay o pagbabatayan ng pagbabago (school records, medical o baptismal certificate) at iba pang dokumentong maaaring hingin ng civil registrar.

Tantiya ni Orcilla, nasa halos tatlong buwan ang buong proseso ng pagtatama.

Ipadadala pa kasi ng lokal na civil registration office sa tanggapan ng PSA ang petisyon at mga dokumento para aprubahan ng ahensiya.

Ibabalik muli ng PSA sa lokal na civil registrar ang petisyon para muling aprubahan at ihanda ang certificate of finality.

Para makumpleto ang proseso, kinakailangan kunin ng indibiduwal ang naitamang dokumento.

Subalit paglilinaw ni Orcilla, hindi nila binabago ang nakasaad na sa dokumento at idinadaan na lamang sa anotasyon ang pagtatama.

"We are not allowed to change any entries in the record mismo. We cannot erase kasi tampering na po ‘yan. We just do the annotation," ani Orcilla.

Maaari ring magpatama ng birth certificate ang mga Pilipino sa ibang bansa sa pamamagitan ng paglapit sa embahada o pagbigay ng authorization letter sa maaaring mag-asikaso ng pagtatama dito sa bansa.

Dagdag ni Orcilla, walang online na proseso para sa pagtatama ng birth certificate.

Kapag kasarian naman ang ipapapalit, kinakailangan ng isang indibidwal ng pagpapatibay mula sa isang doktor na accredited ng gobyerno, subalit hiwalay na gastusin pa ang pagkuha nito.

"Ito po’y kailangan personal na pumunta ‘yong may-ari ng dokumento at may kailangan pang medical certification from an accredited government physician," paliwanag ni Orcilla.

Bahagi ang panayam kay Orcilla sa serye ng Usapang De Campanilla na naglalayong magbigay kaalaman ukol sa mga mandato ng ilang ahensiya ng pamahalaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.