Mga 'brod' na gumulpi kay 'Atio' sa hazing, pinangalanan ng state witness

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 09:23 PM

Pinangalanan ng state witness na si Marc Anthony Ventura ang mga miyembro ng Aegis Jvris Fraternity na kasama umano sa hazing rites bago nasawi si Horacio "Atio" Castillo III.

Si Ventura, miyembro ng fraternity, ay sumuko sa Department of Jusitce (DOJ), at ibinulgar ang mga pangyayaring umano ay nauwi sa pagkamatay ni Castillo.

Ayon sa mga source ng ABS-CBN News, 15 sa 20 miyembro ng fraternity na nasampahan ng kasong kriminal ang kinumpirma ni Ventura na kasama sa hazing. 

Kabilang dito sina:

  • Arvin Balag
  • Mhin Wei Chan
  • Marc Anthony Ventura
  • Axel Munro Hipe
  • Oliver John Audrey Onofre
  • Joshua Joriel Macabali
  • Ralph Trangia
  • John Paul Solano
  • Alex Bose
  • Robin Ramos
  • Leo Lalusis
  • Jose Miguel Salamat
  • Carl Matthew Villanueva
  • Marcelino Bagtang
  • Zimon Padro

Ayon kay Ventura, dalawang beses nawalan ng malay si Castillo matapos makatikim ng mga palo ng paddle sa hazing na nangyari noong Setyembre 17 sa fraternity library sa Sampaloc, Maynila.

Marami umano sa kanila ang kinabahan pero pinakalma sila ng Grand Praefectus na si Arvin Balag.

Nang bahagyang gumalaw si Castillo matapos ang unang pagbagsak, tinuloy pa rin itong gulpihin, dahilan para mawalan ulit siya ng malay. 

Ngunit lalo pa silang kinabahan nang hindi na muling magkamalay si Castillo matapos ang ikalawang pagbagsak. 

Kuwento pa ni Ventura, inutusan sila ni Balag na patakan ng kandila ang mga paa at dibdib ni Castillo para magising ito.

Alas-6 ng umaga nang sabihin ni Robin Ramos na dalhin sa ospital si Castillo pero tumutol umano si Balag sa takot na matunton sila.

Hindi kalauna'y isinakay si Castillo sa pulang pick-up para dalhin sa ospital. 

Pero muling binaba ang binata at ipinasok sa library pagdating ni John Paul Solano, isang medical technologist na nagtangkang gisingin ang biktima.

Dahil hindi na nagkaroon ng malay, sinabi ni Solano na dalhin na si Castillo sa ospital.

May siyam pang miyembro ng fraternity na kasama sa hazing pero hindi kasama sa naisampang reklamo.

Samantala, ang mga nasampahan ng kaso ngunit wala sa salaysay ni Ventura ay sina Jason Robinos, Lennert Bryan Galica, Nathan Anarna, Ranie Santiago at Chuck Siazar.

Nilinaw ni Ventura na may iba pang naroroon sa pangyayari na hindi na niya matandaan.

Naglabas ang Department of Justice ng immigration lookout bulletin order batay sa salaysay ni Marc Anthony Ventura ukol sa hazing rites na sanhi ng pagkamatay ni Horacio Castillo III. Kuha ni Ina Reformina, ABS-CBN News 

Naglabas naman ng panibagong immigration lookout bulletin order ang DOJ para sa 65 katao matapos makuha ang salaysay ni Ventura.

-- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.