'Matuling' truck, inararo ang 5 sasakyan sa QC; 5 patay

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 09:18 PM

Lima ang kumpirmadong patay habang hindi naman bababa sa 10 ang sugatan matapos araruhin ng isang 22-wheeler truck ang ilang sasakyan sa kahabaan ng San Mateo Road sa Barangay Batasan Hills, Quezon City Huwebes ng hapon. 

Patuloy na naantala ang biyahe ng mga motoristang dumadaan sa kalsada dahil sa clearing operation na isinasagawa sa lugar, bandang alas-6 ng gabi.

Batay sa paunang imbestigasyon, mabilis ang pagtakbo ng truck na minamaneho ng 47 anyos na si Rogelio Kalimutan.

Nabangga nito ang dalawang kotse, isang tow truck, isang jeep at isang motorsiklo.

Galing pier sa Maynila si Kalimutan, kasama ang dalawang pahinante, upang magdala ng mga bakal nang mangyari ang aksidente, bandang alas-3 ng hapon.

Sa lakas ng pagkakabangga, nayupi ang mga inararong sasakyan.

Nagkalat din sa kalsada ang mga bakal na karga ng truck, bubog, at parte ng mga sasakyan.

Nasa mabuting kalagayan si Kalimutan, na kasalukuyang hawak ng mga awtoridad. 

Haharap si Kalimutan sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries, at damage to property.

Ayon sa mga pulis, posibleng abutin ng hanggang alas-9 ng gabi ang ginagawang paglilinis. 

Inabisuhan din ng pulisya ang mga motorista na maghanap muna ng atlernatibong ruta.

-- Ulat nina Bianca Dava at Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.