Magkapatid patay sa riot sa Davao City

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 06:04 PM

DAVAO CITY – Patay ang magkapatid matapos sumiklab ang isang riot dito Martes ng gabi.

Nakilala ang mga nasawi na sina Jomar Mante, 26, at nakababatang kapatid na si Jovany. Si Jomar ay nabaril ng rumespondeng pulis habang si Jovany ay nasaksak umano ng isa mula sa kalabang grupo.

Ayon sa pulisya, rerespondehan sana ni PO1 Anthony Corsino ng Calinan Police ang kaguluhan sa lugar nang bigla siyang sunggaban ng mga suspek at tinangka umanong barilin ni Jomar gamit ang isang improvised na baril.

Nanindigan si Corsino na dinepensahan lamang niya ang kaniyang sarili.

Pinatotohanan naman ng mga sidewalk vendor sa lugar na ang grupo nga nina Jomar Mante ang nag-amok at umatake sa pulis.

Patay naman ang nakababatang kapatid ni Jomar na si Jovany matapos masaksak umano sa riot ni Sadam Taraji, isang miyembro ng kalabang grupo. Nahuli si Taraji sa follow-up operation ng pulisya.

Humihingi naman ng hustisya ang pamilya Mante sa nangyari sa magkapatid.

Narekober ng pulisya ang dalawang improvised handgun na ginamit umano ng mga suspek.

Nasira naman ang pintuan ng isang videoke bar at nagtamo ng sugat ang isang trabahante matapos pagbabatuhin.

Kinasuhan na ng pulisya si Taraji, at ang dalawang menor de edad na nahuli sa riot ay inilipat na sa pangangalaga ng Bahay Pag-Asa Center sa Davao City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.