Lalaking nagtangkang tumawid sa Cabadbaran River, natagpuang patay

Rodge Cultura, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 05:33 PM

CABADBARAN CITY - Patay na nang matagpuan ang 29 taong gulang na si Joeter Dumangas na palutang-lutang sa Cabadbaran River umaga nitong Huwebes.

Si Dumangas ang lalaki na nawala matapos tangkaing lumangoy para sana tumawid sa ilog. 

Nangingitim dahil magdamag na itong hindi nahanap at naninigas na ang katawan nang matagpuan.

Ayon sa imbestigasyon, katatapos lang maligo sa dagat ni Dumangas nang mangyari ang insidente. Kasama niya pauwi ang 13 taong gulang na kapatid ng kaniyang live-in partner. 

Dadaan dapat ang dalawa sa isang hanging bridge para tumawid sa ilog sa kanilang pag-uwi. Pero nagyaya ang biktima na languyin ang ilog. 

Nagawa ng kanyang kasama na makatawid sa ilog ngunit inanod si Dumangas na pinaniniwalaang nakainom ng alak.

Isang search and rescue operation ang isinagawa magdamag para hanapin si Dumangas pero bigo ang Cabadbaran Emergency Response Team na mahanap ito.

Umaga na nitong Huwebes nang makita sa pasahero ng isang motor-bangka ang katawan ng biktima na palutang-lutang sa bukana ng ilog.

Ikinagulat ng kanyang kapatid na si Christy ang sinapit ni Dumangas. Humihikbi ito habang pinapahiran niya ang luha sa kanyang mga pisngi. Nag-iisa na lang umano siya ngayong pumanaw ang kanyang kaisa-isang kapatid.

Pumanaw si Dumangas na hindi nalalamang mag-iisang buwan na buntis na ang babaeng apat na taon na niyang kinakasama. 

Hindi inaasahan sa mga mahal sa buhay ni Dumangas na ang sana ay masayang outing ay mauuwi sa masaklap na trahedya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.