Kalansay at gamit ng nawawalang bangkero, natagpuan sa Palawan

Cherry Camacho, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 05:06 PM | Updated as of Oct 27 2017 12:14 PM

Natagpuan na ang kalansay ng isang bangkerong naiulat na nawawala sa Tapiutan Island sa El Nido, Palawan.

Nakatanggap ng impormasyon Miyerkoles ang Coast Guard El Nido mula sa isang residente ng Barangay Nangalao, Linapacan, Palawan na mayroong natagpuang palutang lutang na kalansay sa baybayin sa lugar.

Mayroong suot na pulang t-shirt at relo ang nakitang kalansay.

Agad namang nakipag-ugnayan ang Coast Guard sa pamilya ni Jeruel Aliguay, 33 taong gulang at kapitan ng lumubog na bangka sa Tapiutan Island sa El Nido mahigit isang linggo na ang nakakaraan.

Nakumpirma na kay Aliguay ang natagpuang kalansay.

"Upon coordination doon sa Barangay (Nangalao) is based doon sa assessment nila... Mayroong red t-shirt and Casio wrist watch yung cadaver... So, dinisseminate namin ito doon sa family, which is kinonfirm po nalang po nila na mayroong pong ganung t-shirt and relo yung nawawala nilang kapamilya, " ani Ensign Harvey Marmol, Deputy Commander ng Coast Guard Station El Nido.

October 16 nang maiulat na lumubog ang bangka ng biktima kasama ang dalawa pang indibidwal sa Tapiutan Island dahil sa paglakas ng hampas ng alon.

Mula noon, agad na nagsagawa ng Search and Rescue Operations ang PCG El Nido pero nahirapan ang mga ito dahil sa sama ng panahon.

Una nang na-rescue ng PCG ang dalawang sakay ng bangka na sina Maria Theresa Aliguay, asawa ng biktima at John Lester Gallardo.

Nagdesisyon ang pamunuan ng Barangay Nangalao na ilibing na ang kalansay.

Nagtungo naman ang pamilya ni Aliguay sa nasabing barangay Huwebes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.