Jewelry shop sa mall sa Maynila pinagnakawan

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 05:12 PM | Updated as of Oct 26 2017 08:39 PM

MANILA (UPDATE) - Binasag at pinagnakawan ng mga hinihinalang miyembro ng "martilyo gang" ang isang jewelry shop sa Harrison Plaza sa Maynila nitong Huwebes.

Ayon kay Rollie Garcia, security supervisor ng mall at isang retiradong pulis, bandang alas-3:50 ng hapon nang tutukan ng baril ng aabot sa limang salarin ang dalawang security guard ng mall at tatlong staff ng jewelry shop.

Kuwento ng mga nasa mall, tatlong beses nagpaputok ang mga salarin bago pinukpok ang istante at tinangay ang ilang mga singsing, relos, bracelet, at kuwintas. 

Paliwanag naman ni Garcia, ang inakalang putok ng baril ay maaaring tunog ng pagpukpok at pagbasag sa mga istante.

Aabot umano sa P1 milyon ang halaga ng mga nalimas na alahas.

Ayon kay Garcia, batay sa kuha ng CCTV ay naka-sumbrero ang mga umatakeng lalaki at agad na nakatakas.

Maaari rin umanong sa mall na mismo binili ng mga salarin ang martilyong ginamit sa pagnanakaw. 

Sa ngayon ay nire-review pa ang CCTV ng jewelry shop para sa pagkakakilanlan ng mga salarin na tumakas sakay ang tatlong motorsiklo.

Maaaring nilito din umano ang mga pulis kaya hindi kaagad naka-responde sa pagnanakaw dahil mali ang lugar na nabanggit sa unang tawag na kanilang natanggap ukol sa insidente. --ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.