Banyagang 'pedophile', arestado sa NAIA

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 09:51 PM | Updated as of Oct 27 2017 12:56 AM

Hinuli ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang isang banyagang pinaghihinalaang pedophile na plano umanong mang-abuso ng mga menor de edad sa Pilipinas.

Paglapag pa lang ng eroplanong sinasakyan ni Robinson Hoyt Alderman, isang Amerikanong yoga instructor, inaresto agad siya ng Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center.

Matapos timbrehin ng U.S. Homeland Security, sinubaybayan ng mga awtoridad ang mga aktibidad ng "sex traveller" na si Alderman.

Batay umano sa kaniyang chat log, makikipagkita sana siya sa mga batang naka-transaksiyon niya at planong abusuhin.

Ayon sa pulisya, nakuha nila ang mga sex toys sa maleta ni Alderman. 

Hinala ng mga awtoridad ay gumagawa ng mga video si Alderman at ibinebenta ito sa iba pang pedophile.

Nagsagawa naman ng follow-up operation ang pulisya para sagipin ang dalawang menor de edad na bibiktimahin sana ni Alderman.

Kakasuhan ng paglabag sa Expanded Anti-Trafficking Law si Alderman.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.