Babaeng dadalaw sa anak na preso, nahulihan ng shabu sa tsinelas

Karla Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 11:06 PM

Nakuha sa tsinelas ni Elsa Marasigan ang isang sachet ng hinihinalang shabu nitong Huwebes. Karla Omelan, ABS-CBN News

Nahulihan ng hinihinalang shabu ang isang 56-anyos na babae na dadalaw sana sa kaniyang anak na nakakulong sa Albay Provincial Jail nitong Huwebes.

Kasama ang kaniyang 9-anyos na apo, agad na hinarang sa may gate pa lang ng compound ng kulungan si Elsa Marasigan matapos makuha sa kaniya ang isang sachet ng hinihinalang shabu. 

Nakuha ang hinihinalang droga na nakabalot pa sa papel sa tsinelas ni Marasigan, na sumailalim sa body search.

Ayon kay Marasigan, marami umano ang gumagamit ng kaniyang tsinelas at hindi niya alam kung sino ang naglagay ng hinihinalang droga.

Pero ayon naman sa guwardiya ng kulungan, matagal nang itinimbre sa kanila na posibleng nagpupuslit ng shabu si Marasigan.

Ang dadalawin sanang anak ni Marasigan na si Manuel ay nakakulong dahil rin sa ilegal na droga.

Isasailalim si Marasigan sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.