18 umano’y miyembro ng NPA, sumuko sa Sultan Kudarat

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 01:48 AM

Labing-walong umano'y miyembro ng New People's Army sa Sultan Kudarat ang nagbalik-loob sa gobyerno ngayong Lunes.

Ayon sa mga sumuko, sawa na raw silang makipagtaguan sa mga sundalo sa kubundukan.

Ayon kay alyas Fernan, taga-bili ng suplay at bigas ng rebeldeng grupo sa bayan ng Kalamansig, hindi na raw siya makababa sa sentro para makapamili sa loob ng halos dalawang taon. 

Hindi na rin niya naiparehistro ang kanyang motorsiklo dahil hinahanap na umano siya ng militar, kaya nagpasya siyang sumuko na.

“Pinalabas sa tindahan at kami wala namang mga pera at hindi ganyan karami kung meron man, kaya marami ang nagsabi na kagrupo iyan ng NPA,” ani Fernan.

Dagdag niya, isang combatant ang kanyang kapatid, na isa sa mga nakipagbakbakan sa tropa ng Marine Battalion Landing Team-2 (MBLT-2) noong Mayo at sa pag-ambush sa tropa ng Marines noong Marso, kung saan namatay ang isang sundalo at nasugatan ang 9 na iba pa.

Nangako si Fernan na tutulong sa pagkumbinsi sa kanyang kapatid na magbalik-loob na sa gobyerno.

“Maghanap ako ng paraan kung paano sya makalabas. Tutulungan ko siya. Baka gusto rin nyang magbalik-loob sila,” aniya

Kabilang si Fernan sa 3 umano'y miyembro ng NPA mula sa bayan ng Kalamansig na sumuko.

Ipinaubaya silang tatlo sa MBLT-2 para makauwi sa kanilang pamilya at mabigyan ng livelihood assistance program.

Sa bayan ng Senator Ninoy Aquino, 15 miyembro naman ang sumuko dala ang kanilang mga baril.

“Dati ang nagpresenta na makipaglaban para sa kanilang mga karapatan ay ang mga bandidong NPA. Ngayon, binago natin na kami na nasa gobyerno, sundalo, local government official, at iba’t ibang mga ahensya mga lingkod bayan, ay handang tumulong sa kanila para ipaglaban ang kanilang karapatan,” ani Lt. Col. Harold Cabunoc, commanding officer ng 33rd Infantry Battalion.

Simula noong Mayo, 52 NPA na ang nagbalik-loob sa pamahalaan at, ayon kay Cabunoc, may 20 pa silang kinukumbinsing sumuko na rin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.