16 anyos, patay sa pamamaril sa QC

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 02:02 AM | Updated as of Oct 26 2017 08:51 AM

MANILA - Patay ang isang 16-anyos na lalaking pauwi sana galing eskuwelahan matapos pagbabarilin ng mga naka-motorsiklong gunman sa Project 8, Quezon City, Miyerkoles ng gabi.

Nagte-text ang Grade 10 na biktimang si "Kevin" habang naglakakad sa Barangay Bahay Toro nang biglang makarinig ang mga kasama niyang kaibigan ng putok ng baril.

"May dumaang motor sa 'min. Di namin napansin tumakbo si Kevin. 10 seconds, nakarinig kami ng putok. Tapos 3 pang putok sunod-sunod," kuwento ng isang saksi.

Agad na umalis ang mga salarin sakay ng motorsiklong walang plaka, pero hindi nila dala ang cellphone ng biktima

Ayon kay Gerald, nakasuot ng helmet at jacket ang bumaril sa kaibigan.

Hindi pa masabi ng pulisya kung ano ang motibo ng pamamaril.

Naniniwala naman si Gerald na pinagtangkaang holdapin ang kanyang kaibigan.

"Walang kaaway [si Kevin]. Napakabait na bata. Masunurin sa akin iyan. 'Pag sinabi kong uwi, hindi inaabot ng gabi, pinaka-late 9 or 10 p.m.," dagdag ng tatay ng biktima.

Aminado naman ang mga barangay official na kailangan dagdagan ang rumorondang pulis at tanod sa lugar.

Una nang inanunsyo ng Philippine National Police na tututukan nito ang mga krimeng may kinalaman sa riding-in-tandem, matapos tanggalin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pulisya mula sa pangunguna sa kampanya laban sa ilegal na droga.

Ulat nina Vivienne Gulla at Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.