MANILA – Nagsagawa ng voting simulation nitong Sabado ang Commission on Elections (Comelec) bilang paghahanda sa kauna-unahang eleksyon sa bansa na isasagawa sa gitna ng pandemya.
Sa panayam ng TeleRadyo, ikinuwento ni Comelec spokesperson James Jimenez ang mga mabuting nangyari at ang mga problemang nakita nila sa simulasyon.
“Nakita na malaki nga ang impact ng voter assistance desk kasi una, nawala talaga yung kumpol-kumpol sa labas nung mga polling places, yung mismong classroom kung saan nagaganap ang botohan. At pangalawa, bumilis yung identification process ng botante sa loob nung classroom, sa loob ng voting area,” ani Jimenez.
Paliwanag niya, sa voter assistance desk ay may biinibigay na kapirasong papel sa mga botante, kung saan nakalagay ang kanilang precinct number at kung pang-ilan sila sa listahan ng mga botante kada presinto.
“So pagdating doon sa identification sa mismong polling place, titingnan na lang yung number na 'yun at naa-identify na kaagad.”
“So malaki po yung…binawas doon sa oras ng pagboto,” aniya.
Pero naging problema naman, ani Jimenez, ang oras ng pagdating mga tao sa lugar na pagbobotohan.
“As we saw in the last simulation that we had, itong (October) 23 nga, dumarating sila nang in bunches. Marami sa umaga, tapos for a long stretch in the day walang dumarating. Tapos, magkukumpol-kumpol sila sa dulo na naman. And that’s the major problem.”
“Kung dire-diretso lang sana ang dating ng mga tao, wala tayong isyu. Kasi yung mismong voting time, it’s down to maybe mga less than 10 minutes eh,” aniya.
Kuwento ni Jimenez, halos walang botanteng pumunta sa mga presinto mula 10 a.m. hanggang 2 p.m. sa ginanap na simulation nitong Sabado.
Ayon sa kanya, mas mabilis sana ang proseso kung tuloy-tuloy ang pagdating ng mga tao.
“So parang flow lang 'yan, dire-diretso lang. And, ang matagal talaga dito, yun proseso ng pag-fill up ng balota. Kasi yun nagva-vary yun. Pero yung proseso na pagtanggap ng balota halimbawa, pag-verify ng identity ng tao, hindi lumalampas ng tatlong minuto. Mabilis lang yan, sobra.”
“So, in fact, as long as dire-diretso yung dating ng tao, wala tayong magiging issues.”
Naniniwala si Jimenez na magiging hamon sa kanila ang pagkumbinsi sa mga tao na pumunta sa mga presinto nang tuloy-tuloy.
“Yung challenge natin is to get people to come to the polling place nang sunod-sunod, dire-diretso.”
Paalaala ni Jimenez, maaring bumoto ang mga tao nang maaga sa halalan bago nila asikasuhin ang iba pa nilang gawain.
“Remember, the malls don’t open until 10 a.m. So pwede silang bumoto before 10. And then after 10, they can do other things na,” aniya.
--Teleradyo, 25 October 2021