Pulis huli sa aktong nagsasabong sa Antipolo City

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2019 04:21 PM | Updated as of Oct 25 2019 07:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Posibleng masibak sa puwesto ang isang pulis na nakadestino sa Southern Police District matapos siyang makuhanan ng video na nagpapasimuno ng sabong sa Antipolo City.

Nakakuha kasi ang Philippine National Police - Internal Affairs Service (PNP-IAS) ng video kung saan kita si Police Lt. Lutgardo Labares na may hawak ng manok na ilalaban sa derby.

"Itong isa ay nagbitaw pa ng kaniyang manok sa isang derby," sabi ni Atty. Alfegar Triambulo, Inspector General ng PNP-IAS.

Kuha ang video noong Oktubre 4 sa Blue Mountain Sports Arena sa Marcos Highway sa Barangay Sta. Cruz, Antipolo City.

Hindi nagustuhan ni PNP officer-in-charge chief Lt. Gen. Archie Gamboa ang asta ni Labares dahil hindi daw dapat nakikita sa sugalan at inuman ang mga pulis. 

"I would like to reiterate the series of directives and guidance that I personally issued directly to unit directors... No engagement or unauthorized presence in places of ill-repute, gambling joints, casinos, cockpits, public drinking places or those places analogous to this, unless authorized to conduct law enforcement function," sabi ni Gamboa.

Mga reklamong conduct unbecoming at neglect of duty ang haharaping kasong administratibo ng pulis.

Pero ayon sa PNP-IAS, maaaring masibak din si Labares sa serbisyo.

"Mukhang kahit president na ang nagsabi, mukhang patuloy pa rin, mukhang may problema ang taong ito in terms of discipline kaya irerekomenda namin siyang tanggalin sa serbisyo," sabi ni Triambulo.

Tinangkang hingan ng pahayag ng ABS-CBN News ang naturang pulis sa pamamagitan ng Southern Police District pero nasa meeting daw ito.


—Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.