Alkalde na 'nambugbog ng masahista' patay sa ambush sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2019 03:11 PM | Updated as of Oct 25 2019 08:20 PM

Nasa loob ng police vehicle si Clarin, Misamis Occidental mayor David Navarro nang matapos pagbabarilin ng mga armadong lalaki. Retrato mula kay Annie Perez, ABS-CBN News

CEBU CITY — Patay nitong Biyernes si Clarin, Misamis Occidental mayor David Navarro matapos siyang tambangan habang papunta sa kaniyang inquest proceedings para sa reklamong panggugulpi. 

Inireklamo si Navarro ng pambubugbog sa isang lalaking masahista sa Cebu City noong Miyerkoles ng gabi, at naaresto noong Huwebes sa Mactan Cebu International Airport.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinabulaanan ni Navarro na binugbog niya ang masahista. Pero aniya, nagalit lang siya dahil binastos umano siya.

Dadalhin na sana si Navarro sa Cebu City Prosecutor's Office, at habang papunta, dumating ang gunmen, pinababa ang biktima at saka pinagbabaril.

Iginiit ni Police Maj. Eduard Sanchez, hepe ng Abellana Police Station, binantayan nila nang maayos si Navarro pero mabilis umano ang mga pangyayari.

Iimbestigahan din nila kung bakit hindi nakapagpaputok ang mga pulis.

Kasama umano si Navarro sa mga pinangalanang narco-politician ni Pangulong Rodrigo Duterte. Pero pinabulaanan ito ng kapatid ng yumaong alkalde.

Nagsasagawa na ngayon ng hot pursuit operation ang mga pulisya laban sa mga suspek.

—May ulat ni Annie Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.