VIRAL: Ambulansyang may dalang pasyente, hinarangan ng mga naka-motorsiklo

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 10:48 PM

Kuha ni Elynne Acor

CAGAYAN DE ORO - Nagviral sa social media ang pagharang ng mga naka-motorsiklo sa isang ambulansyang may sakay na pasyente sa CM Recto Avenue, Cagayan de Oro City noong Oktubre 19.

Ayon sa nagpost na si Elynne Acor, tumabi na ang ilang sasakyan pero hinarangan ng mga naka-motor ang ambulansya na umabot sa 10 minuto bago nakadaan.

Ayon naman sa Roads and Traffic Administration (RTA), posibleng wala silang nakabantay sa lugar kaya hindi naalalayan ang ambulansya. pero dapat alam na umano ng mga motorista na kailangan magbigay daan sa mga emergency vehicles.

"Dapat tignan nila ang direksyon ng ambulansya obserbahan nila kung nasa likod ba at siguruhin na ma-clear at makalusot ang ambulansiya," sabi ni Engr. Nonito Oclarit ng RTA-CDO.

Base sa traffic code ng siyudad, paglabag ang pagharang sa mga emergency vehicles. Nakalagay rin sa Land Transportation and Traffic Code Act Article 5, Section 49 ang pagbigay daan sa mga emergency vehicles gaya ng ambulansya at firetruck.

Payo ng mga awtoridad, maliban sa pagpost sa social media ay mabuting kunan ng litrato ang mga pasaway na driver at plate number nito at personal na isumbong sa opisina ng Land Transportation Office.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.