Umano'y planong pagnanakaw napigilan ng pulisya sa Nueva Vizcaya

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 06:58 PM

Baril at granada ang nakumpiska ng awtoridad mula sa suspek na kasapi umano ng isang grupong sangkot sa carnapping at may planong magnakaw sa bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya. Larawan mula kay Joni Teneza


BAMBANG, Nueva Vizcaya – Nasawata ng awtoridad ang umano'y planong pagnanakaw ng isang grupo, Huwebes ng madaling araw dito sa probinsiya.

Napasugod ang mga pulis sa isang videoke bar malapit sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal para magsagawa ng Oplan Bakal dahil sa natanggap nilang sumbong na may mga armadong lalaki na nag-iinuman.

Arestado si Mariano Gumme Jr. matapos makumpiska sa kaniya ang isang kalibre .38 na baril, granada at hinihinalang shabu. Nakatakbo naman ang dalawa nitong kasama.

“May revelation siya na sangkot sila sa carnapping, robbery at shooting incident sa Bayombong,” ayon kay Senior Insp. Samuel Lopez.

Inamin ng suspek na tubong Lamut, Ifugao ang plano nilang pagnanakaw pero itinanggi niyang sa kaniya ang nakumpiskang baril at granada.

“Sa kanila 'yun, gagamitin siguro nila pang depensa,” dagdag ng suspek.

Inaalam na ng pulisya kung nakaw din ang tricycle na ginamit ng grupo.

Patuloy ang manhunt operation ng awtoridad sa mga nakatakas na kasamahan ni Gumme.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.