Umano'y miyembro ng 'basag-kotse', arestado sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 05:41 AM | Updated as of Sep 16 2019 12:59 PM

Watch more in iWantTFC

CAVITE - Arestado sa Bacoor, Cavite ang umano'y miyembro ng basag-kotse gang na nambibiktima sa Timog Katagalugan.

Nahuli ang isang suspek nang agad inireport sa mga pulis ang 2 insidente sa Bacoor at Dasmariñas. Parehong basag ang salamin ng bintana ng SUV at AUV.

"Kumain kami sa restaurant. Pauwi na kami napansin ko na basag ang salamin. Tapos nawawala ang mga gamit sa likod," kuwento ng isang biktima.

Flat screw ang gamit ng mga kawatan na pambasag sa salamin at saka kukunin ang anumang madampot sa loob.

May dalang malaking bag ang grupo kung saan inilalagay ang mga nanakaw bago sisibat sakay ng motorsiklo.

"Nagstart sila sa Batangas. Tapos Calamba. Tapos sa Bacoor, sunod sa Dasma. Dapat huli nila is Tagaytay saka na sila uuwi ng Tondo," ani Supt. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

Pinag-iingat naman ang publiko sa ganitong modus lalo ngayong magpa-Pasko.

"Magpark po tayo sa maliwanag. Huwag mag-iwan ng bag o gamit sa loob ng sasakyan kung aalis," dagdag ni Cabatingan.

Mahaharap sa kasong robbery ang suspek habang pinaghahanap pa ang ibang kasama nito. - ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.