Sunog sa residential area sa QC, umabot sa ikalawang alarma

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 11:40 AM

MAYNILA – Sumiklab ang apoy sa isang residential area sa Barangay Doña Imelda, Quezon City, Huwebes ng umaga.

Ayon kay Fire Inspector Rosendo Cabillan, nagsimula ang sunog sa storage area sa basement ng bahay na pag-aari ng 80-anyos na si Lina Taychuaco sa Botolan Street.

Umabot lamang sa ikalawang alarma ang sunog na nagsimula bandang alas-8 ng umaga. Naideklarang fire out ito ng alas-8:41 ng umaga.

Wala namang ibang bahay ang nadamay sa sunog dahil sa mabilis na pagresponde ng mga bumbero at iba pang fire volunteer.

Wala ring nasugatan sa insidente.

Tinatayang aabot sa P20,000 ang halaga ng pinsalang dulot ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.