PatrolPH

Muling pagbubukas ng Boracay, pinaghahandaan, inaabangan

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 09:06 PM

Watch more on iWantTFC

Bagama’t may ilan pang hindi natatapos na kalsada sa Boracay sa bisperas ng pagbubukas ng isla, iginiit ng Boracay Agency Task Force na puspusan ang paghahanda ng kanilang hanay para dito. 

Humingi ng paumanhin si Deparment of the Interior and Local Government officer-in-charge Eduardo Año sa mga turista bunsod ng tuluyang pagbakbak ng daan sa lugar. 

Paliwanag niya, naging matagal ang bidding process at naantala ang pag-aayos sa mga daanan dahil sa pagbugso ng ulan noong nakaraang buwan. 

Ganoon din ang mensahe ng Department of Environment and Natural Resources. 

"Sabi nga it's like a diamond na bago ma-attain yung polish at shining state eh katakot na grinding process, konting pang-unawa lang sana. Talagang ang pag-rehabilitate ng Boracay ay dalawang taon talaga," ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu.

Kaliwa't kanan na rin ang pagdating ng mga opisyal ng gobyerno at mga kandidata ng Miss Earth. 

Mapapansin ang ilang pagbabago sa loob ng 6 na buwang rehabilitasyon, tulad ng pagtanggal ng mga nakahambalang na mga upuan, mesa, at estruktura kaya maluwag na ang puwedeng lakaran doon. Nilatagan na rin ng mala-baywalk na daanan ang bahagi kung saan nakatayo ang mga dating bar at tindahan.

Naayos na rin ang Bulabog Beach kung saan dating lumalabas ang dumi sa mga tubo. 

Luminis na rin umano ang tubig sa Boracay dahil bumaba ang coliform level nito. 

Watch more on iWantTFC

Puspusan din ang pagtatrabaho ng DENR para makuha ang 5 sa 9 na wetland sa isla. Nakikipagtulungan na rin ang ahensiya sa ilang kompanya para maisaayos at panatilihing malinis ang 4 na nakuhang wetlands ng pamahalaan. 

Titingnan din nina Cimatu kung may pagkukulang ang ilang kawani na naatasang tingnan ang lagay ng ilang endemic species sa Boracay Wildlife Sanctuary, tulad ng namatay na agila na nakaranas ng stress sa pagsasaayos ng Boracay opening, at ang nasugatan na buwaya nang sapilitan umanong kuhanan ng DNA ng ilang kawani ng pamahalaan.

"Hindi naman 'yung pag-handle siguro ang cause ng pagkasugat kung 'di the animal itself... But I will check this one," aniya. 

Sabi ng pamunuan ng santuwaryo na si Leonard Tirol, handa silang i-donate ang mga hayop sa pamahalaan para mas mapangalagaan ang mga ito, pero dapat aniyang hindi nilipat ang mga hayop sa ibang isla. 

Watch more on iWantTFC

Handa na rin ang seguridad sa Boracay. Ikinasa ang isang security simulation para makita ang kahandaan ng mga tropa sa pagresponde sa mga sitwasyong posibleng mangyari sa muling pagbubukas ng isla. 

Ayon kay Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde, nag-deploy sila ng 400 pulis sa isla.

Lilimitahan ang paggawa ng sand castles sa beach, habang ipinagbabawal ang mga sumusunod: 

  • Pagpunta ng walang booking sa accredited hotel;
  • Paggamit ng mga booking apps para magrenta ng bahay;
  • Kumain, uminom, manigarilyo, at mag-party sa beach;
  • Mga firecracker; 
  • Water sports;
  • Habal-habal sa beach; at 
  • Mga tiangge sa beach. 

Sinuspende na rin ng tanggapan ng Ombudsman si Malay Mayor Ciceron Cawaling dahil umano sa neglect of duty. 

Hahalili si Vice Mayor Abram Sualog bilang acting mayor, kahit na isa siya sa mga sinampahan ng reklamo ng DILG kaugnay ng pagpapanatili sa Boracay. 

Matatandaang isinara nitong Abril ang Boracay dahil sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa rehabilitasyon nito. 

Tinatayang 30,000 empleyado at negosyante sa isla ang nawalan bigla ng kita dulot nito. 

-- Ulat ni Jeff Canoy, Katrina Domingo, at Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.