Masaker sa Negros, sinisi ng opisyal sa grupo ng sugarcane workers

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 04:03 PM | Updated as of Nov 05 2019 02:19 PM

Watch more in iWantTFC

Tinukoy ni Negros Occidental Governor Alfredo Maranon Jr. ang mga kasamahan ng pinatay na siyam na sugarcane workers sa Sagay City bilang siya umanong utak ng insidente. 

Ayon kay Maranon, maaaring kasapi ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) ang nasa likod ng masaker. Tinawag din niyang "scripted" ang nasabing insidente. May alam, aniya, ang NFSW kung sino ang gumawa ng krimen. 

Bumuwelta ang NFSW at sinabing walang katotohanan ang bintang na pumatay sila ng kapwa miyembro nila. Nagsasagawa na rin daw sila ng sariling imbestigasyon. 

"Walang katotohanan na scripted ang nangyari. Hindi gawain ng NFSW na patayin ang aming miyembro," ani NFSW chairperson Rolando Rillo sa isang pahayag.

Pumayag naman ang mga pamilya ng mga biktima na isailalim sa awtopsiya ang kanilang nasawing mahal sa buhay para umusad na ang kaso. 

Kinumpirma ng awtopsiya na binaril ang mga biktima gamit ang iba’t ibang kalibre ng baril. Sinunog din umano ang tatlo sa siyam na mga biktima. 

"We can say that most probably nung nasunog sila, patay na sila, nabaril na sila," ayon kay PNP Negros Medico-Legal head Police Chief Inspector West Edquila. 

Naunang tumutol ang mga pamilya na isailalim sa autopsy ang mga bangkay ngunit sa kagustuhang malinawan ang imbestigasyon at maihain na ang kaso, pumayag na sila. 

"Gusto naman nilang magkaroon ng linaw kung ano ba talaga 'yung cause of death na tinatawag natin at ito po ay makakatulong sa ating imbestigasyon para makompleto po natin ang papeles," ani Edquila tungkol sa posibilidad ng paghahain ng kaso. 

-- Ulat ni Marty Go, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.