Manila North Cemetery, handa na para sa Undas

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 09:43 PM | Updated as of Sep 15 2019 04:33 PM

Watch more in iWantTFC

Handa na ang pamunuan ng Manila North Cemetery sa inaasahang pagdagsa ng mga bisita sa libingan sa darating na Undas.

Nagpaalala na rin ang pamunuan ukol sa mga alituntunin sa sementeryo para sa Undas. 

Ayon kay Manila North Cemetery Director Daniel Tan, pansamantalang ipatitigil ang paglilibing simula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2.

Bawal na ring magpapasok ng sasakyan simula alas-12 ng hatinggabi ng Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2.

Sa Oktubre 29 naman ang huling araw ng pag-aayos ng mga puntod sa sementeryo.

Sa Nobyembre 1, alas-12 ng tanghali, nakatakda namang buksan ang Gate 2 at 3 ng sementeryo.

Muli ring pinaalala ni Tan na bawal ang pagdadala ng kutsilyo, ice pick, screw driver, itak, at iba pang matatalim at matutulis na bagay.

Bawal din ang speaker, gitara, at iba pang bagay na magdudulot ng ingay.

Hindi rin puwedeng magdala ng flammable materials o mga materyal na madaling magliyab gaya ng paint thinner at gas.

Bawal din ang pagdadala ng mga nakalalasing na inumin, at ano mang bagay na may kinalaman sa sugal.

Umaabot umano sa higit isang milyong tao ang bumibisita sa Manila North Cemetery tuwing Undas.

--Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.