CAVITE - Arestado ang isang barangay chairman sa Dasmariñas City, Cavite nitong Miyerkoles matapos maaktuhang gumagamit at nagbebenta ng shabu.
Kinilala ang suspek na si Randy Noora, barangay chairman ng Sta. Fe, Dasmariñas City. Siya ay drug surrenderee noong 2016, pero nahalal sa puwesto sa 2018.
Nakuha sa kaniya ang 14 na sachet ng hinihinalang shabu, P500 marked money, at kalibre .45 na baril.
Inaresto si Noora matapos magpositibo ang buy-bust operation na isinagawa ng mga pulis at operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nakuhanan rin ng video ang suspek na nagtatarya ng hinihinalang shabu. Ilang sandali pa, humithit ito sa waterpipe at balik sa pagbabalot ng droga.
Ayon sa pulisya, sa barangay hall naglalagi si Noora simula nang maluklok sa puwesto. Sa loob ng barangay umano isinasagawa nito ang pagbebenta ng droga.
"Hindi naman siya nag-resist. Sumama naman siya ng maayos," ani Supt. Nerwin Ricohermoso, hepe ng Dasmariñas City police.
Tumanggi nang magbigay ng pahayag si Noora na mahaharap sa patong-patong na kaso, kabilang ang paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, barangay chairman, kapitan, Dasmariñas City, Cavite, buy-bust, drugs, shabu, firearm, arrest, pusher, peddler, user, TV Patrol, Ernie Manio