Empleyado ng DSWD, natagpuang patay sa hotel room

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 10:37 PM

Ibinababa mula sa hotel room ang bangkay ng isang 20-anyos na empleyado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na natagpuang patay nitong Huwebes. ABS-CBN News

Natagpuang patay ang isang 20-anyos na empleyado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa loob ng isang hotel room sa Zamboanga City nitong Huwebes ng umaga.

Ayon kay Insp. Exequiel Laguna, deputy chief ng Police Station 6, nagtamo ng isang tama ng bala sa mukha ang babaeng biktima na kinilala bilang si Earl Grace Riggs ng DSWD-Zamboanga del Norte.

Sa imbestigasyon ng pulisya, Oktubre 20 pa nang mag-check-in sa hotel si Riggs kasama ang kaniyang isang ka-trabaho para dumalo sa isang aktibidad ng kanilang opisina.

Pero naunang nag-check-out ang kasama ni Riggs at naiwan umano ang biktima kasama ang ilan nitong kaibigan.

Ayon pa kay Laguna, isang lalaki ang huling nakasama ni Riggs sa kaniyang kwarto bago ito matagpuang patay.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng lalaki na nahagip umano ang mukha sa CCTV ng hotel.

Walang nakarinig sa putok ng baril sa loob ng kwarto, maging ang mga guest na naka-check-in malapit sa kwarto ng biktima.

Naniniwala ang pulisya na dalawang araw nang patay ang biktima sa loob ng kwarto, dahil napansin ng mga housekeeping personnel noong Miyerkoles na nakaupo ang biktima at hindi na kumikibo.

Pero hindi inakala ng mga empleyado na patay na ang babaeng guest kaya’t hindi rin nila ito nireport sa kanilang supervisor at sa mga awtoridad.

Nangangalap pa ng dagdag na impormasyon ang pulisya sa mga nakasama ni Riggs sa hotel. Kasama sa mga iniimbestigahan ang kaniyang mga kaibigan at katrabaho na posibleng may alam sa motibo sa pagpaslang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.