PatrolPH

'DDS,' 'Dilawan,' ilan sa pagpipiliang Salita ng Taon

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 06:28 PM | Updated as of Oct 25 2018 07:58 PM

Inilabas ngayong Huwebes ang listahan ng mga salitang pinagpipilian para sa Salita ng Taon, na kinabibilangan ng mga salitang may kinalaman sa mga isyung politikal.

Kabilang sa 11 salitang nominado bilang Salita ng Taon ang mga sumusunod:

  •  Dengvaxia
  •  DDS
  •  Dilawan
  • Fake news
  • Federalismo
  •  Foodie
  •  Quo warranto
  •  Resibo
  •  Tokhang
  • Train
  • Troll

Nagiging nominado para sa Salita ng Taon ang isang salita kapag ito ay likhang salita, salitang ginagamitan ng bagong kahulugan, salitang kamakailan lang hinalaw mula sa dayuhang wika, o salitang nabuhay muli matapos mawala sa moda.

Pipiliin ang Salita ng Taon sa "Sawikaan 2018: Pambansang Kumperensiya sa Salita ng Taon" na idaraos sa Institute of Biology Auditorium sa University of the Philippines-Diliman (UPD), Quezon City.

Sa naturang conference, tatalakayin ng mga presenter ang merito ng bawat nominadong salita.

Magsisilbi namang mga hurado ang mga kinatawan mula sa mga organizer, kabilang ang Filipinas Institute of Translation, Inc., UPD Information Office, at Komisyon sa Wikang Filipino.

Taong 2004 nang magsimula ang Sawikaan, na layong subaybayanang mga pagbabago at pag-unlad ng wikang Filipino sa mga panlipunan at kultural na diskurso. 

Sa mga nagdaang conference, napili bilang Salita ng Taon ang mga salitang "canvass" (2004), "huweteng" (2005), "lobat" (2006), "miskol" (2007), "jejemon" (2010), "wangwang" (2012), "selfie" (2014) at "fotobam" (2016).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.