Customs chief, pinalilipat ni Duterte; iba pang opisyal, pinasisibak

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 06:37 PM | Updated as of Dec 15 2019 01:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Huwebes ang paglipat kay Bureau of Customs (BOC) chief Isidro Lapeña at pagsibak sa lahat ng opisyal ng naturang bureau sa gitna ng kontrobersiyang may naipuslit na bilyon-bilyong halaga ng droga sa bansa.

Sa pagdiriwang ng ika-117 anibersaryo ng Philippine Coast Guard (PCG), sinabi ni Duterte na ililipat niya si Lapeña sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at itinatalaga naman niyang bagong pinuno ng BOC si Maritime Industry Authority (Marina) Administrator Rey Guerrero. 

Sinabi rin ni Duterte na sinisibak na niya ang lahat ng opisyal ng Customs, kabilang ang mga commissioner, department head, at section chief. 

Inutusan din ng pangulo si Guerrero na pumili ng mga ipapalit sa mga nasibak na opisyal. 

Nangyari ang mga ito sa gitna ng isyung maaaring may nakalusot na bilyon-bilyong halaga ng droga na isinilid sa apat na magnetic lifter na nahanap ng Philippine Drug Enforcement Agency sa General Mariano Alvarez, Cavite noong Agosto.

Nahanap ng PDEA ang mga walang laman na lifters sa Cavite ilang araw matapos maharang sa Manila International Container Port ang dalawang magnetic lifters na naglaman ng tinayang P4.3 bilyong halaga ng shabu.

Nauna nang itanggi ng Customs, na nagproseso at nag-apruba sa shipment, na ginamit ang mga magnetic lifter para magpuslit ng droga.

Pero bumaligtad noong Miyerkoles si Lapeña at sinabing maaaring naglaman ng droga ang mga magnetic lifter base sa ipinakitang pagsisiyasat ng Department of Public Works and Highways sa mga ito.

Sinabi rin ng PDEA ngayong Huwebes na maaaring P11 bilyon ang halaga ng shabu na isinilid sa mga lifter matapos nila itong timbangin muli. Halos doble ito sa naunang tantiya ng ahensiya na P6.8 bilyon.

Noong Miyerkoles, ipinag-utos din ni Duterte ang pag-aresto kay dating Customs intelligence officer Jaime Guban dahil sa pangangasiwa raw nito sa pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.

Pero tumanggi ang Senado na ipahuli si Guban, na ipinatawag ng Senate blue ribbon committee kaugnay ng imbestigasyon sa magnetic lifters.

-- May ulat nina Joyce Balancio at Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.