Bilanggong na-ospital, nakatakas sa Bacolod

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 10:24 PM

Naglunsad ng manhunt operation ang mga awtoridad matapos makatakas ang bilanggong si Elvis Pescadilla nang ma-ospital nitong Huwebes. Metro Bacolod District Jail

BACOLOD CITY - Nakatakas nitong Huwebes ang isang bilanggo ng Metro Bacolod District Jail (MBDJ) matapos ma-ospital noong Miyerkoles ng hapon.

Sa report ng MBDJ, bagamat nakaposas ang bilanggong si Elvis Pescadilla, hindi ito nakakabit sa kaniyang wheelchair.

Pumunta umano sa comfort room ang miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology na nagbabantay sa bilanggo, ngunit pagbalik nito ay wala na si Pescadilla.

Tumakbo palabas ng osptial si Pescadilla at agad umanong sumakay ng taxi.

Nahaharap ang bilanggo sa mga kasong pagbebenta at posesyon ng ilegal na droga.

Naglaan naman ng P10,000 gantimpala ang MBDJ para sa impormasyon ukol sa kinaroroonan ni Pescadilla.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.