Bangko sa Cagayan, nilooban gamit ang tunneling

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 06:44 PM

Narekober ng awtoridad ang isang hydraulic jack, apat na crowbar, tatlong screwdriver, steel saw, pliers, kahoy at pares ng gloves na hinihinalang ginamit sa tunneling. Sherwin Comisario, ABS-CBN News

Nilooban ang isang bangko sa lungsod ng Tuguegarao, Cagayan nitong Lunes ng gabi.

Tumanggi ang pamunuan ng bangko na magbigay ng panig. Pero kinumpirma nila sa pulisya na walang natangay na pera o gamit dahil bigong mabuksan ang vault.

Sa imbestigasyon, gumawa ng tunnel sa ilalim ng Mallig Plains Rural Bank Incorporated ang mga kawatan at binutas ang sahig ng establisyimento para makapasok.

Narekober ng awtoridad ang isang hydraulic jack, apat na crowbar, tatlong screwdriver, steel saw, pliers, kahoy at pares ng gloves na hinihinalang ginamit sa tunneling.

“Itong bangko ay may pangalawang floor kung saan may mga boarders. Isa sa mga boarder nahalata na 10:30 pa lang gabi narinig nila na may pumupukpok. Hindi tumigil yun hanggang hating gabi kaya nagsumbong na sila sa pulis,” ani Supt. George Cablarda, hepe ng Tuguegarao City Police.

Hindi raw bababa sa apat na katao ang nanloob sa bangko, ayon sa pulisya.

“Meron CCTV, nakunan pa sila, yung pagflashlight nila sa loob, paghalughog nila sa mga mesa, pero hindi ma-identify kasi nakabonnet,” ani Cablarda.

Ang drainage canal na hindi kalayuan sa bangko ang tinitingnan ng pulisya na dinaanan ng mga kawatan.

“Nakita natin yung mga bakas nila sa pinag-exitan nila sa ilalim ng tulay which is 300-400 meters away from the bank,” ani Cablarda.

Ikalawang insedente na ito ng tunneling ng bangko sa lungsod ngayong taon. Nalooban din ang EastWest Bank noong Mayo.

Nilimas naman ang Metrobank branch noong Agosto.

Pupulungin umano ang mga bangko para tiyakin ang seguridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.