AWOL na pulis at 17 iba pa, tiklo sa anti-drug ops sa QC

Jeck Batallones at Doland Castro, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 05:36 AM | Updated as of Dec 15 2019 02:02 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Arestado ang 18 katao, kabilang ang isang AWOL na pulis, sa magkahiwalay na operasyon kontra droga sa Quezon City.

Sa Barangay Doña Imelda, nahuli ng mga pulis ang isang 16 anyos na lalaki na may dalang marijuana. Hinuli rin ang kaniyang kasamahan na may dalang tube na may traces ng marijuana.

Sa Barangay Pasong Tamo, timbog ang 6 katao sa drug session sa loob ng isang bahay. Isang concerned citizen ang nagtimbre sa mga pulis ukol sa ilegal na gawain.

Sa Barangay Pinyahan, tiklo ang 19 anyos na hinihinalang tulak sa buy-bust operation. Kasama ring dinampot ang isang lalaking bumibili sa kaniya ng droga.

Sa Barangay Commonwealth, inaresto ng mga pulis ang isang mag-live-in partner, kasama ang 2 nitong kaibigan, matapos mahuling gumagamit ng shabu.

Sa Barangay Socorro naman, kalaboso ang isang drug surrenderee sa buy-bust operation. Inamin niyang nagbebenta siya ng shabu sa mga bus driver.

Sa Barangay Socorro pa rin, kulungan ang bagsak ng isang AWOL na pulis at 2 nitong kasamahan sa buy-bust operation.

Dating nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Station 3 ang pulis at nag-AWOL noong 2015. Nakuha sa kanila ang 7 sachet ng umano'y shabu.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.