PatrolPH

ALAMIN: Undas traffic scheme sa Loyola Memorial Park, Marikina

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 10:06 AM

ALAMIN: Undas traffic scheme sa Loyola Memorial Park, Marikina 1
Inaasahang isa ang sementeryo sa Marikina City sa mga dadagsain sa Undas. Mark Demayo, ABS-CBN News/File

Kasabay ng paghahanda sa Undas, inilalatag na ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang traffic re-routing sa lungsod para sa mga bibisita sa mga sementeryo.

Ipatutupad ito mula alas-12 ng tanghali ng Oktubre 31 hanggang alas-12 ng hating gabi ng Nobyembre 1 sa mga kalsadang malapit at patungong Loyola Memorial Park. 

Bukas ang A. Bonifacio Avenue, na isa sa mga dadaluyan patungo sa nasabing semeteryo, sa one-way eastbound traffic mula Barangka Flyover hanggang Shoe Avenue stoplight. 

Para sa mga pupunta ng Loyola Memorial Park, kakailanganing dumaan sa Marcos Highway patungong Barangka Flyover o Barangka Underloop upang makadaan sa A. Bonifacio Avenue.

Magsisilbi namang pasukan ang Gate 2 ng Loyola Memorial Park. Upang makapunta doon ay dapat kumaliwa sa Plaza de las Flores, kumaliwa sa Paspasan St., at kumanan sa Don Gonzalo Puyat St. 

Samantala, ang Gate 1 na siyang main gate ng Loyola Memorial ay magsisilbing labasan, kung saan ang mga motorista ay kailangang kumanan sa Paspasan St., kakaliwa sa Chorillo St., at kakaliwa A. Bonifacio Avenue. 

Ang Riverbanks Avenue ay bukas naman sa southbound traffic, patungong Marcos Highway, kaya maaaring dumaan ang mga motorista sa nasabing kalsada mula A. Bonifacio Avenue gamit ang Riverbanks Avenue.

Pinapayuhan ang mga motorista na pumarada sa pay parking area ng Riverbanks Mall kung puno na ang Loyola Memorial Park.

Inaasahan na rin ang mabigat na daloy ng trapiko sa Nobyembre 3 (Sabado) at Nobyembre 4 (Linggo) sa kahabaan ng A. Bonifacio Avenue.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.