Abusadong driver handang kasuhan ng MMDA

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 01:13 PM | Updated as of Oct 25 2018 05:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Nakatakdang sampahan ng kaso ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang motorista na nakipagmatigasan sa mga enforcer na humuhuli sa kaniya dahil sa illegal parking sa Greenhills, San Juan kamakailan.

Ayon kay MMDA Supervising Officer for Operations Bong Nebrija, gumawa na sila ng sulat sa Land Transportation Office (LTO) hinggil sa insidenteng naganap noong Oktubre 19 na kinasangkutan ng isang itim na Toyota Camry na may plakang UFQ 833.

Sa kabila ng kawalan ng kooperasyon ng babaeng hindi pa rin nakikilala, nagawa pa ring makapag-isyu ng ticket ang MMDA.

"Inisyuhan na namin ng ticket 'yung plate number. Tinikitan siya ng illegal parking, obstruction, disregarding traffic signs, reckless [driving] at saka failure to surrender license. Lima 'yung sina-cite sa ticket ng babae. 'Pag nakuha namin ang pangalan nung driver through the efforts of LTO then it will not prevent us from filing any appropriate criminal charges against her," sabi ni Nebrija.

Sa panayam sa programang Lingkod Kapamilya sa DZMM Huwebes ng umaga, sinabi ni Nebrija na hinihintay na lamang nila ang aksiyon ng LTO kung saan magiisyu ito ng summon para sa may-ari ng sasakyan.

Napag-alaman ng MMDA na ang naturang sasakyan ay pag-aari ng isang kompanyang nakabase sa Pasig City.

Mismong si Nebrija na umano ang tumawag sa kompanya para alamin kung kanino na-isyu ang sasakyan. Pero hanggang ngayon ay hindi pa umano siya nakakatanggap ng feedback mula sa kompanya.

"Sa kaso na ito, it's company-owned. It was assigned to somebody. It's their responsibility na alamin na ang paga-assign nila ng vehicle ay [sa] lisensiyado," sabi ni Nebrija.

Ikinagagalit ng MMDA ang lantarang pambabastos sa awtoridad ng hindi pa kilalang driver at tankang pagsagasa sa mga enforcer na kaniyang pilit na tinatakbuhan.

"Ang hindi namin nagustuhan dito 'yung complete disregard of the authority. Tagapagpatupad kami ng batas. May report pa 'yung enforcer namin sinabi niya pa 'I will not surrender my license to you',” dagdag niya.

Bagama't aminado siyang walang police power ang MMDA para mag-summon ng driver, hindi aniya ibig sabihin na hindi na nila puwedeng sampahan ng kaso ang driver "to teach this driver na you cannot do that."

Dagdag niya na P200 lamang ang multa kapag naisyuhan ng illegal parking ticket. 

Pakiusap naman ni Nebrija sa mga motorista, kung sa tingin nila ay mali ang paghuli sa kanila ng mga enforcer, idaan ito sa tamang paraan.

"Kung mali ang apprehension, mayroon tayong pamamaraan para ireklamo ang mga enforcer kung abusado, mali ang pag-apprehend," sabi niya. -- DZMM 25 October 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.