6 tiklo sa magkahiwalay na drug bust

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 10:18 AM

Narekober ng awtoridad sa operasyon sa Barangay 31 ang mga sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia mula sa apat na nahuli sa aktong nagda-drug session.

DAVAO CITY – Anim na katao ang naaresto ng awtoridad sa magkakahiwalay na drug bust operation.

Miyerkoles ng hapon nang suyurin ng pulisya ang isang bahay sa Barangay 31, Piapi Boulevard, Davao City, kung saan 4 katao ang nahuli nila sa isang drug session.

Narekober sa naturang bahay ang 3 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3,000 at 12 piraso ng walang lamang sachet na may residue ng shabu.

Base sa imbestigasyon, sa nasabing bahay kinukuha ng subject ng buy-bust ang supply ng drogang ibebenta sa Calinan area. Ayon naman sa barangay, nasa drugs watchlist nila ang 4 na nahuli.

Samantala, Miyerkoles rin ng hapon nang hulihin ang isang 46-anyos na lalaki sa loob ng kaniyang tinitirhan sa YFC Village, Fatima, San Antonio, Agdao sa parehas na lungsod. 

Nakabili mula sa kaniya ang operatiba ng isang gramo ng hinihinalang shabu at nakuha rin sa kaniya ang 2 pang sachet ng shabu.

Itinanggi naman ng suspek ang akusasyon laban sa kaniya.

Martes naman ng hapon nang mahuli ang isang construction worker sa Poblacion, Sta. Maria sa Davao Occidental.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nahuli.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.