6 arestado sa operasyon ng tambakan ng basura sa tabi ng ilog sa Bulacan

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 08:20 PM

Inaresto ng pulisya Miyerkoles ang anim na sangkot umano sa pagpapatakbo ng ng isang open dump malapit sa ilog sa Bustos, Bulacan. 

Arestado sina Jody Mendioro, Rodolfo Maniquis, Nestor Galves, Fernando Logronio, Juan Francisco at Cezar Ramirez na pawang mga job order employee ng munisipyo ng Bustos. 

Kinasuhan ng National Bureau of Investigation ang anim ng paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act at Fisheries Code of the Philippines. 

Ayon kay NBI director Dante Gierran, ang tambakan ng basura na may laking aabot sa isang ektarya ay malapit lamang sa Bustos River kaya posibleng maging banta sa kalusugan ng tao at sa kalinisan ng ilog. 

Dagdag niya, nagmula ang operasyon matapos nilang makatanggap ng ulat na mayroon umanong ilegal na operasyon ng open dump sa naturang bayan. 

Nang tingnan ay nalamang walang permit o lisensya ang tambakan kaya agad itong pinuntahan ng mga operatiba ng NBI. 

Naaktuhan sa lugar ang apat na indibidwal na nagtatapon ng basura habang ang dalawa naman ay nagmamando ng operasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.