3 sugatan sa salpukan ng 2 truck sa Nueva Vizcaya

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 06:55 PM


Tatlo ang sugatan matapos magsalpukan ang isang forward truck at trailer truck sa bayan ng Diadi, Nueva Vizcaya nitong Huwebes ng umaga.

Sa lakas ng impact, nawasak ang harap ng forward truck at naipit ang driver nito na si Melstrand Damian.

Binendahan naman ang ulo at kamay ng kaniyang anak dahil sa tinamo nitong mga sugat.

Ayon kay Damian, galing silang Pampanga at pauwi sana sa Kalinga nang makasalubong nila sa pakurbadang bahagi ng kalsada ang trailer truck.

“Hindi ko po namalayan, nagulat na lang ako nung nagka-impact na," aniya.

Nasugatan naman sa kamay ang trailer truck driver na si Ricardo Salvacion Jr.

“Nagulat ako bigla na lang umagaw ng linya,” ayon kay Salvacion.

Naantala naman ang mga motorista dahil sa aksidente. Lumuwag ang daloy ng trapiko bandang hapon matapos maitabi ang mga naaksidenteng sasakyan.

Nagpaalala ang mga awtoridad na tiyaking nasa kundisyon ang katawan at huwag piliting magmaneho kung inaantok para makaiwas sa disgrasya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.