Tangkang panghoholdap, nauwi sa pamamaril sa dating pulis

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 08:24 AM | Updated as of Oct 25 2017 09:14 AM

Patay ang isang taxi driver na retiradong pulis matapos barilin ng mga nagtangkang mangholdap sa kanya madaling araw ng Martes sa Barangay Guadalupe, Cebu City.

Nakilala ang biktima na si PO2 Jose Sering Jr., residente ng Barangay Pajac, Lapu-Lapu City.

Ayon kay Junrey Batiloy, caretaker ng isang townhouse malapit sa lugar na pinangyarihan ng krimen, nakarinig siya ng mga putok ng baril. Nang lapitan niya ang taxi, nakita niyang patay na sa loob si Sering.

Nagtamo si Sering ng mga tama ng bala sa katawan at ulo.

Posible umanong umalma si Sering sa panghoholdap ng 3 lalaki sa kanya kaya’t siya ay pinagbabaril.

Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang 3 lalaki na agad tumakas matapos ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.