Sundalo mula Marawi, pinagbabaril sa Pagadian City

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 11:25 PM

Patay sa pamamaril si Corporal Rhufel Lihay-Lihay, 39, na nagbabakasyon lamang sa Pagadian City mula sa kanyang pagkadestino sa Marawi City. Photo courtesy of Lihay-Lihay family

PAGADIAN CITY - Patay ang isang sundalo matapos pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki sa barangay Sta. Maria, Pagadian City nitong Martes.

Kinilala ang biktima bilang si Corporal Rhufel Lihay-Lihay, 39, na nagbabakasyon mula sa kanyang pagkadestino sa Marawi City.

Labing-isang basyo ng bala ng kalibre .45 na baril at 13 bala naman ng 9mm pistol ang nakuha sa crime scene.

Bigla na lang umano pinagbabaril ang sundalo habang naglalaro ng bilyar, ayon sa mga nakasama ng biktima ng gabing iyon. 

Ayon sa isang residente, nakakasa na ang dalang mga baril ng dalawang lalaki ng pumasok sa gate. Narinig pa niya na pilit sanang pinigilan ng sundalo ang pamamaril pero tinuluyan pa rin ito ng mga suspek.

"Pagtingin namin, may dalawang lalaki na sa gate, ikinasa na ang dalang baril, agad silang pumasok, nilapitan nila ang sundalo. Sabi ng sundalo 'Sir huwag sir, huwag sir'. Pagkasabi niya ng huwag, lumapit pa sa amin ang sundalo tapos binaril na siya,” ani alyas Ken, isang residente.

Kasalukuyang inaalam ng pulisya kung ano ang motibo ng pamamaril.

"Tinitingnan natin 'yong lahat ng anggulo this time kasi he's assigned in Tigbao, [kung] work-related, tinitingnan natin 'yong lugar kung saan siya binaril,” ani Supt. Benito Recopuerto, hepe ng Pagadian Police.

“Tinitingnan din natin kasi during last year's campaign, 'yong lugar na 'yan diyan maraming involved na masasamang element. Basta ang indication lang natin diyan, talagang may galit 'yong tumira kasi ang daming tama,” dagdag niya.

Ayon sa pamilya Lihay-Lihay, overkill umano ang ginawa sa sundalo dahil halos hindi raw ito makilala sa dami ng natamong tama ng bala sa ulo.

"Iyong normal lang na kuya, mapagbiro, tapos magtrabaho...kasi high school pa lang ako, sundalo na siya. Isang tao lang, mahigit 20 na bala inubos nila, pati 'yong mukha, sira na talaga,” ani Private First Class Francis Rey Lihay-Lihay, kapatid ng biktima.

Labing-anim na taon na sa serbisyo si Corporal Rhufel. Kabilang siya sa Civil Military Operation regiment unit ng Philippine Army at nadestino sa kapitolyo ng Marawi City kung saan isa siya sa mga nagbibigay ng update sa social media ukol sa mga pangyayari sa lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.