Sumukong 'brod', ibinulgar ang nangyaring hazing kay 'Atio'

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 08:37 PM

Hawak na ng Department of Justice (DOJ) ang isang miyembro ng Aegis Jvris Fraternity na isinalaysay ang mga pangyayari na nauwi sa pagkamatay ni Horacio "Atio" Castillo III. 

Palihim na nagtungo sa tanggapan ng DOJ noong Martes si Marc Anthony Ventura, miyembro ng fraternity na idinadawit sa hazing na ikinasawi ni Castillo noong Setyembre 17. 

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, ikinanta ni Ventura ang mga pangyayari sa mismong hazing kapalit ng pagpapasailalim sa witness protection program (WPP).

Nitong Miyerkoles, lumagda na si Ventura para tuluyang maging bahagi ng WPP.

Batay sa kaniyang sinumpaang salaysay, gabi pa lang ng Setyembre 16, kasama na niya at ng ibang miyembro ng Aegis Jvris si Castillo.

Saksi siya sa mismong hazing at pag-collapse ni Castillo sa loob ng fraternity library sa Sampaloc, Maynila.

Kuwento ni Ventura, kinaya ni Castillo ang tatlong palo ng dos por dos pero bumagsak ito sa pang-apat at nawalan na ng malay.

Nang unti-unting magkamalay si Castillo, patuloy itong pinalo.

Muli umanong tumumba si Castillo at hindi na nagkamalay kahit pinatuluan pa ng kandila. 

Kinarga si Castillo sa isang sasakyan para dalhin sa ospital pero muling ibinaba nang dumating si John Paul Solano, isang medical technologist na sinubukang bigyan muli ng malay ang biktima.

May pulso pa noon si Castillo.

Ayon kay Aguirre, sapat na ang kuwento ni Ventura para idiin sa kaso ang mga kasamahan.

Nakatakdang maglabas ng immigration lookout bulletin order ang DOJ para sa mga karagdagang miyembro ng fraternity na pinangalanan ni Ventura.

-- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.