'Safety officer' ng operator ng modernong jeep, ipinanukala

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 10:58 PM

Nagkasundo nitong Miyerkoles ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) at road safety advocates na magkaroon ng safety officer ang mga operator ng modernong jeep. 

Ito'y upang matiyak ang kaligtasan at kondisyon ng mga makabagong sasakyan.

Anila, isinaalang-alang ang kaligtasan ng mga pasahero sa pagdisenyo ng makabagong jeep.

Nais din kasi ng gobyerno na bawasan ang mga aksidente sa kalsada.

Aksidente ng jeep

Sa kahabaan naman ng Marcos Highway na sakop ng Antipolo, anim ang sugatan matapos tumagilid ang isang pampasaherong jeep nitong Miyerkoles ng umaga.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Antipolo Traffic Sector, matulin ang takbo ng jeep at nawalan ng preno sa palusong na bahagi ng kalsada.

Sumalpok ang jeep sa gutter sa tapat ng isang gasolinahan at tuluyang tumagilid.

Sa lakas ng pagbangga, natanggal ang dalawang gulong sa harap ng jeep.

Agad nilapatan ng paunang lunas ang mga biktima bago itinakbo sa ospital.

Kabilang sa mga sugatan ang tsuper na si Geraldo Macarubbo, na haharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries.

Ayon sa ilang testigo, puno ng pasahero ang jeep.

Nagtamo naman ng pilay sa kanang braso, sugat, at pasa sa mukha ang pasaherong si alyas "Ana." 

Sinabi ni Ana na lumang-luma na ang jeep pero wala siyang ibang masakyan.

Paliwanag ng may-ari ng jeep na si Juanita Malubay, 1997 pa ang kanilang jeep pero palagi naman umano nila itong ipinapaayos.

Sa katunayan, inamin ni Malubay na noong Martes lang niya pinaayos ang preno ng sasakyan.

Ani Malubay, pabor siya sa panukalang phaseout ng mga lumang jeepney basta kayanin nila ang mga babayaran.

Nangako rin si Malubay na sasagutin ang gastusin ng mga nasaktan sa aksidente.

-- Ulat nina Jerome Lantin at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.