Pagpaparehistro sa mga bagong mangungupahan sa QC, isinusulong

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 09:01 PM | Updated as of Oct 26 2017 02:46 AM

Pirma na lang ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ang kulang para maipatupad ang ipinasang bagong ordinansa ng konseho kaugnay ng pagpaparehistro sa mga mangungupahan sa lungsod.

Sa ordinansang ipinasa ng konseho, dapat iparehistro ng mga nagpapaupa ang kanilang mga tenant.

Sakop nito ang mga paupahang bahay, apartment, condominium at dormitoryo.

Paliwanag ng konseho, bahagi ito ng hakbang kontra droga at krimen.

Sa pamamagitan umano nito, masusubaybayan din kung lumilipat ng ibang lugar ang itinuturing na drug personalities.

Sa nasabing ordinansa, hihingan ng dalawang government identification card ang mga mangungupahan bago sila tanggaping tenant sa lungsod.

Kung foreign national naman, dapat may maipakitang valid passport o visa.

May bayad din ang pagpaparehistro at kailangan muling magbayad kung lilipat ng uupahang unit sa ibang barangay ang tenant.

Nilinaw namang sakop lang nito ang mga bagong mangungupahan.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.