Mga manggagawa ng ospital sa Iloilo, 2 buwan na umanong walang sweldo

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 04:02 PM

Nagprotesta ang mahigit sa 300 na kawani ng Western Visayas Sanitarium sa Iloilo dahil dalawang buwan na umano silang hindi sumusuweldo.

Sa labas ng ospital, naglagay na ng placard ang grupo na nananawagan ng disciplinary action sa mga responsable sa pagkaantala ng kanilang sahod at mga benepisyo.

Kasabay nito ang panawagan na aksyunan ng Department of Health ang kanilang problema.

Ang ilan, napilitan na umanong mangutang para lang may pangtustos sa pang araw-araw.

"May pamilya ako. Ang hirap. Nagugutom na kami. Buti na lang kung may magpapautang sa amin. Minsan, dinadaan na lang namin sa pag-inom ng tubig," pagbabahagi ng isang empleyado.

Kinumpirma ng officer-in-charge (OIC) at medical center chief ng ospital na si Dr. Gary Ong na madalas ma-delay ang sahod ng mga job hire, pero isinisi niya ito sa isang departamento.

"You can ask everyone here, the finance department refused to sign so it is difficult for us to consumate the papers," ani Ong. 

Noong nakaraang linggo, nagsagawa na ng executive committee meeting ang pamunuan ng ospital at napagkasunduang palitan ang OIC accountant at ilang posisyon sa ilalim ng finance department.

"We have signed a new OIC accountant so that the certificate of availability of funds will be signed by the new accountant ...and then we will revise the signatories and within this week we'll be finished, by that [time] makakasahod na sila," ani Ong.

Tiniyak ng pamunuan ng sanitarium na nireresolba na nila ang isyu at inaasahang maibibigay na ang sahod ng job hires sa susunod na linggo.

-- Ulat ni Bea Zaragosa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.