Mahigit 50 kabataang atleta, nabiktima umano ng 'food poisoning'

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 05:16 AM

BUENAVISTA, Agusan del Norte – Mahigit 50 kabataang atleta ang nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, at pagtatae nitong Linggo ng hapon at 15 sa kanila ay kinailangang dalhin sa ospital.

Kalahok sa Division Athletic Meet ang mga bata mula sa iba’t ibang paaralan mula sa Nasipit, Agusan del Norte.

Matapos mabigyan ng paunang lunas ang mga bata, agad nakabawi ang mga ito. Out-patient naman ang mga dinala sa ospital. Hindi muna inumpisahan ang ilang sports competition nitong Lunes para masigurong nasa maayos na kalagayan ang mga naapektuhan.

Napag-alaman ng school nurse na si Coonie Flor Felias na nagsibilihan ng palamig na "fruit salad" ang mga atleta mula sa isang hindi nakilalang naglalako sa loob ng paaralan sa Buenavista, Agusan del Norte. 

Walang nakuhang sample ng palamig ang nurse, pero naniniwala siyang maaring nakontamina ito lalo na at nabilad sa init ng araw ang palamig na may halong gatas.

Walang nagreklamong mga magulang, at hindi na rin nagsagawa ng imbestigasyon ang pamunuan. 

Wala nang pinahintulutang may maglako sa loob ng paaralan at pinagbawalan na rin ang mga atleta sa pagbili dahil may inihahanda namang pagkain para sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.