Ilang residente sa Leyte, Agusan, nabiktima ng food poisoning

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 03:35 PM | Updated as of Oct 25 2017 03:45 PM

Sinugod sa ospital ang ilang residente ng Agusan Del Norte at Leyte dahil sa magkahiwalay na insidente ng food poisoning noong Martes.

Mahigit 50 estudyanteng atleta na nakikilahok sa isang paligsahan sa Buenavista, Agusan Del Norte ang apektado ng food poisoning.

Ito'y matapos silang uminom ng samalamig na inilalako sa paaralan.

Nasa 15 ang isinugod sa ospital pero pinauwi rin ang mga ito matapos bigyan ng gamot.

Dahil sa insidente, hindi na papayagan ng pamunuan ng paaralan na maglako ng pagkain ang mga hindi awtorisadong tindero.

Umabot naman sa 79 ang biktima ng food poisoning dahil sa kinaing pansit sa bayan ng Javier, Leyte.

Ayon sa Department of Health sa Eastern Visayas, posibleng dulot ito ng karumihan ng pagkain.

Pero magpapadala muna umano sila sa Research Institute for Tropical Medicine ng duming nakuha mula sa mga biktima upang makumpirma ito.

Inamin naman ng isa sa mga naghanda ng pansit na napansin niyang may amoy ang lamang loob ng manok na hinalo niya sa pagkain.

Handa umanong magbigay ang lokal na pamahalaan ng tulong sa mga biktima.

-- Ulat nina May Diez at Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.