'Biro lang': Lalaki, nangikil ng P500,000 sa nobya para di ikalat ang malaswang video

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 05:08 PM

Timbog sa isang entrapment operation ang isang lalaki matapos ireklamo ng kaniyang nobyang government employee ng pangingikil kapalit ng hindi pagpapakalat ng kanilang malalaswang video at larawan sa internet.

Ang suspek na si Patrick Erwin Singh, humihingi ng P500,000 sa biktima. 

Sa Manila Police District lumapit ang 43 anyos na biktima.

Eksklusibong nakasama ang ABS-CBN News team sa operasyon na ginanap sa isang hotel. 

Unang pumasok sa kuwarto ang biktima na sinundan naman ng suspek. 

Ilang minuto rin naghintay sa labas ng kuwarto ang mga operatiba hanggang sa matanggap na ang senyales na naibigay na ng biktima ang pera. 

Agad namang pinasok ang kuwarto at inaresto ang kaisntahan ng biktima. 

Depensa ng suspek, gumanti lamang daw siya dahil nainis siya sa nobya. 

"Nainis kasi ako sir, binubugaw kasi ako sa bakla. Galing Bicol pa ko sir," ani Singh. 

Pero pagdating sa presinto, nagbago na bigla ang dahilan ng suspek. 

Nagbibiro lamang umano siya sa kaniyang kasintahan.

Kakasuhan ng robbery-extortion at paglabag sa RA 9995 o The Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 si Singh. --Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.