3 bata, sinagip mula sa 'cybersex den' sa Cebu

Edgar Escalante, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 12:06 AM

CEBU - Tatlong menor de edad ang sinagip ng Women and Children's Protection Center Field Office Visayas Martes ng hapon kasama ang Department of Social Welfare and Development at mga pulis.

Isang entrapment operation ang isinagawa matapos makompirma ang iligal na gawain sa loob ng isang bahay sa bayan ng Cordova sa Cebu.

Ang naturang bahay na nakatayo sa isang liblib na lugar ay ginagawa umanong cybersex den.

Nahuli sa akto ng mga otoridad ang isang babae na naka-underwear lang na nakaharap sa webcam.

Hinuli ang babae at isa pa nyang kasama. 

Nailigtas ang tatlong menor de edad na nandoon din sa lugar nang mangyari ang operasyon.

Ayon kay police Senior Inspector Clemente Ceralde, ginagamit ng dalawang suspek ang mga bata para sa isang private webcam show. Mga banyaga umano ang kanilang mga kliyente.

Sasampahan ng kaso ang dalawang nahuli ngayong Miyerkoles.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.