2 sundalo galing Marawi sugatan sa aksidente ng bus sa Iligan

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 12:30 PM

MAYNILA - Sugatan ang dalawang sundalo galing Marawi City nang bumangga ang sinasakyang bus sa puno sa tabi ng highway sa Sitio Curvada, Barangay Maria Cristina, Iligan City, Miyerkoles. 

Agad isinugod sa ospital ang dalawang hindi pa kinikilalang sundalo, na kabilang sa hanay ng Scout Rangers na kagagaling lang sa bakbakan sa Marawi at pauwi na sana ngayong umaga. 

Wala pang impormasyon kung ano ang natamong sugat ng mga sundalo. 

May ilan pang sundalong sakay ng naaksidenteng bus ang nasaktan pero hindi naman malala ang kanilang kalagayan. Agad rin silang inilipat sa ibang bus. 

Ayon kay Jessie Gonzaga, drayber ng Rural Transit bus, nawalan ng preno ang sasakyan kaya nagpasya na lamang siyang ibangga sa puno ang bus para makaiwas sa mas malaking aksidente.

Ang naaksidenteng sasakyan ay kabilang sa convoy ng mga bus at trak na naghahatid ng mga sundalo mula Marawi papunta sa Laguindingan Airport kung saan sila sasakay ng eroplano pauwi. 


-- ulat mula kay Dennis Datu, ABS-CBN News